1_litre_of_tears_by_dsngiap

Dahil sa kabila ng mga hikbi, nagtatago ang matamis na ngiti…

Ang Bakuna sa Sakit

sa panulat ni Mich Samson

Tila nais kong umiwas sa tuwing ika’y lalapit
Sa’yong ipinapamalas, ibig ko na lang pumikit
Ang aking naibulalas, “Ito’y bakuna sa sakit.”

Pilit ko nang iniiwas ang sayo’y maging mabait
Mukha ma’y maaliwalas, may maskarang bitbit
Tila nais kong umiwas sa tuwing ika’y lalapit

Dating mo man ay malakas, hindi ko nais maakit
Kahit ikaw pa’y mag-aklas, puso ko’y hindi kakabit
Ang aking naibulalas, “Ito’y bakuna sa sakit.”

Mga labi pa’y may gatas, huwag na munang makulit!
Upang tayo’y makatakas sa damdaming humagupit,
Tila nais kong umiwas sa tuwing ika’y lalapit

Iyo bang natatalastas, baka bukas ay mawaglit?
Oh! Tayo nga’y maging pantas: matamis ngayo’y  mapait
Ang aking naibulalas, “Ito’y bakuna sa sakit.”

Huwag mo sanang mamalas na ako’y  nagmamalupit
Na ayaw kong iparanas, pag-ibig ko kahit saglit…
Tila nais kong umiwas sa tuwing ika’y lalapit
Ang aking naibulalas, “Ito’y bakuna sa sakit.”

*****

This villanelle is originally posted on my old blog on January 30, 2011 when I was inspired by a Japanese drama series, One Liter of Tears, based on a true story of Aya Kito, a Japanese girl who wrote a diary about her personal experiences while suffering from spinocerebellar ataxia.
Photo credits to One Liter of Tears, found on Google.
Advertisements